Sa naganap na media conference para sa pelikulang Oras de Peligro, tinanong ang aktor na si Allen Dizon kung ano ang komento niya sa tila paghahalo ng mundo ng showbiz at politika, lalo na ngayong may mga pelikulang tumatalakay sa mga napapanahong political issues at pangkaraniwan na ring may mga artista na tumatakbo sa public office.
"Siguro part, part siguro ng showbiz 'yan kasi public figure ka and public property yung showbiz, so sigruo part din.
"Pero hindi kasi ako pampulitika, eh. Kumbaga, doon lang ako sa totoo, doon lang ako sa totoo lagi," pahayag ni Dizon.
Dagdag pa ng aktor, "Karamihan naman sa showbiz, ang fallback nila sa politika. So, siguro part talaga, part talaga ng showbiz ang politics."
Pabor din ang aktor na naisasalin sa pelikula ang mga pangyayari sa kasaysayan, tulad umano ng pelikula niya ngayong Oras de Peligro.
"Oo, para sa akin. Para maging aware lahat ng mga Pilipino. 'Iyong mga hindi nakaranas ng Dekada '70, about Martial Law, about People Power, 'di ba?
"Wala sila doon, e. Kaya talagang kailangang isapelikula para maraming makaalam, para iyong mga kabataan, maging aware sila sa mga nangyayari," diin ni Dizon.
Sa pelikulang Oras de Peligro, gumaganap si Dizon bilang si Dario na asawa ng karakter na si Beatrice na ginagampanan ng aktres na si Cherry Pie Picache. Anak naman nila sa pelikula ang Sparkle star na si Dave Bornea bilang si Jimmy.
Sa direksyon ni Joel Lamangan at mula sa Bagong Siklab Productions ni Atty. Howard Calleja at sa panulat nina Bonifacio Ilagan at Eric Ramos, ang Oras de Peligro ay ipapalabas sa mga sinehan sa March 1 kasabay ng pelikula ni Darryl Yap na Martyr or Murderer.
Allen Dizon on working with Darryl Yap
Tinanong din si Allen Dizon kung ano ang nararamdaman niya na sabay ang showing ng pelikula nilang Oras de Peligro at Martyr or Murderer na tungkol naman sa buhay ng Marcos family.
Sagot ng aktor, "Ako okay lang. Para maraming palabas na pelikulang Pilipino. Para alam natin, para ma-weigh ng tao. 'Ito ba 'yung totoo? Ito ba 'yung hindi? Ito ba 'yung buong katotohanan? Ito ba 'yung fake?'
"So, at least 'di ba, malalaman natin doon kung ano 'yung katotohanan talaga."
Tatanggapin naman kaya ng aktor sakaling may mag-alok sa kaniya na gumanap bilang dating President Ferdinand Marcos sa isang proyekto?
"Walang problema, walang problema," mabilis na sagot ng aktor.
Tanong naman ng media sa aktor na kung si Darryl Yap, na direktor ng Martyr or Murderer, ang magdidirek ay tatanggapin pa rin ba n'ya?
"Ako naman, artista ako. Kumbaga, kahit sino, kahit saan, okay sa akin. Okay sa akin.
"Walang masamang tinapay sa akin," pagtatapos ng aktor.
No comments:
Post a Comment