Inanunsyo nitong Miyerkules ng SpaceX ni American tech billionaire Elon Musk na ang Low Earth Orbit (LEO) sattellite internet service nila na Starlink ay available na sa Pilipinas.
"Available na ngayon ang Starlink sa Pilipinas," saad sa Twitter post ng SpaceX.
Ayon sa "Order Starlink" page ng website ng Starlink, naka-highlight ang Pilipinas bilang isa sa mga bansa sa mundo kung saan magiging available ang LEO internet service.
Samantala, nauna nang i-anunsyo ng Data Lake – isang data company na pinamumunuan ng tycoon na si Henry Sy Jr. – na pinapabilis na nila ang pagpasok ng Starlink sa Pilipinas sa loob ng tatlong unang buwan ng 2023.
Sinabi ng Data Lake na sila ang unang Starlink integrator sa bansa.
Nauna nang sinabi ng Department of Information and Communication Technology (DICT) Assistant Secretary Philip Varilla na ang paglulunsad ng Starlink sa bansa ay mauusog sa kalagitnaan ng 2023.
Hulyo noong nakaraang taon nang i-anunsyo ng Starlink Internet Services Philippines, isang subsidiary na pagmamay-ari ng SpaceX ni Elon Musk, na ilulunsad ang Low Earth Orbit (LEO) satellite internet services sa Pilipinas noong December 2022.
Sa isang pahayag, sinabi ng Data Lake na ang delays sa produksyon at deployment ng LEO satellites na dapat ay noon pang December 2022 ay naging unang quarter na ng 2023.
Inaasahang makakapagbigay ang Starlink ng high-speed broadband internet sa mga end-user, kabilang na ang mga remote area, dahil gumagamit ito ng satellite na nakapwesto sa low-Earth orbit (LEO) kumpara sa conventional at mas magastos na underground fiber optic cables.
Pinaplano ng Starlink na i-offer ang kanilang serbisyo sa mga Pilipinong customer sa halagang $599 kada satellite unit at connectivity service na nagkakahalaga ng $99 kada buwan, na may download speed na 200 Mbps.
Nauna nang sinabi ng Department of Trade and Industry na ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa Southeast Asia na gagamit ng Starlink technology.